p a k w a n g - p a n g i m a y - k u w e n t o
p a k w a n g p a n g i m a y k u w e n t o

Wednesday, October 12, 2005

Eskirol

Michael Francis C. Andrada


Matapos ang mahabang paghihintay, pakiramdam niya ay nanalo siya sa lotto; kahit na ang nabasa niya sa tabloid ay dalawa lang sa mga numerong tinayaan niya ang tumama. Natanggap kasi siya sa pabrika ng Nestle. Lihim siyang nagpasalamat sa mga empleyadong ginawang pansamantalang tahanan ang piketlayn. Salamat sa mga nakawelga, sabi niya sa sarili.

Ang natitira niyang pera ay ipinambili niya ng kalahating kilo ng dilis. Pagkauwi sa bahay, masayang nagprito ang kaniyang anak. Kumain sila. “May mas maalat pa pala sa pawis!” ang masayang sabi ng asawa niya. “Mas maalat ang dilis pag hindi inutang!” ang patol niya.

Madali lang naman ang trabaho niya, kahit na mas malaki pa sa kaniya ang lalagyan ng binurong soya at gatas ng baka. Sanay rin naman siya sa init ng panahon sa bansa kaya ano ba naman ang madikit sa mainit na lalagyan. Mabuti nga’t nagpapawis siya, sabi niya sa sarili, para matanggal ang dumi ng kaniyang katawan.

Habang naghahalo, inililista niya sa utak ang mga bibilhin pagkasuweldo niya sa katapusan. Bibili siya ng pitong Good Morning towel. Pero agad niyang tinanggal sa listahan ang mahahabang bimpo. Mas mainam raw kasi ang diyaryo para panipsip ng pawis sa likod. Inihalinhin niya ang bagong kamiseta. Pero agad na naman niyang tinanggal sa listahan dahil may ibinigay na sa kanilang mga polo shirt na may tatak ng kumpanyang pinagtatrabahuhan. Kapote kaya kasi mahirap bumiyahe pag maulan? Baka mas mura pa ang higanteng itim na garbage bag. Daster na lang para sa kaniyang mag-ina. Sapatos na pamasok para sa anak; hulugan naman. Idamay na rin ang matibay-tibay na knapsack. Tsinelas na goma. Medyas na tatlo-singkwenta sa bangketa. Siyempre bigas, sardinas, tasty, Safeguard, murang shampoo. Corned beef. Minsan lang naman. Masarap kung may patatas at bawang. Tsaka malamig na malamig na Coke 1.5. Mainit pala talaga ang trabahong ito. Dahil sa biglang pagkislot ng kaniyang tuyot na lalamunan, natigil siya sa paglilista sa utak.

Tamang-tamang dumating ang bisor niya. Nakatago sa likod ang dalawang kamay. Taas-noong naglalakad palapit sa kaniya. Nakangisi, palagay niya. Biglang nagkaroon ng higanteng daga sa dibdib niya. “Nag-vocational ka pala,” sabi ng bisor. “Opo, ser.” “Masuwerte ka’t tinanggap ka.” “Opo, ser.” Tsk, tsk, tsk. Kinabahan siya. Hindi naman siya nakapagtapos ng kurso. Matatanggal na siya. Dahan-dahang lumalaki ang dalawang tatsulok na nabuo ng mga braso’t tagiliran ng bisor. Lalong pumalag ang daga sa dibdib niya. Mabigat ang dapo ng kaliwang kamay ng bisor sa kanang balikat niya. Tumalon ang daga sa dibdib niya. Palipad na ang kanang kamay ng bisor. Baka sa mukha niya humapon nang mabigat. Nagkamali ba ako ng timpla? Malapit nang kumawala ang daga. Naglawa ang pawis sa damit niya.

“Welkam, pare,” sabay abot ng bisor ng malaking garapon ng Nescafe sa kaniya. Nalunod sa pawis ang daga. “Salamat po, ser.”

Handa nang ma-alta presyon ang buong mag-anak nang magtimpla sila ng pinakamatapang na kape. Isinabaw nila sa kanin. Humigop sila’t ngumata ng kanin. Nagtimpla uli’t buong gabing nagtagayan, nagbidahan. Puyat man kinabukasan, masaya niyang ipinagpatuloy ang paglilista sa utak: gatas, asukal, Lucky Me pansit kanton, batya, timba, sabong panlaba, baterya para sa alarm clock.

Habang papalapit ang katapusan, pahaba nang pahaba ang listahan niya – ng bayarin: tubig, kuryente, P1,000 renta, pamasahe, baon ng anak, sari-saring utang sa sari-sari, pantubos ng t.v. Namimiss na nila si Darna. Parating na ang Panday!

Gatas, tubig, asukal, knapsack, pansit kanton, renta, sapatos, baon, Coke, pamasahe, kuryente. Paulit-ulit at pahaba nang pahaba at paulit-pahaba. Meron pa: kailangang magsubi para sa bagong sanggol na darating. Pag lalaki, Jericho ang pangalan. Pag babae, Angel.

Umutang muna siya ng dilis sa tindahan bago umuwi. “Malapit na ho’ng suweldo,” nakangiti niyang sabi sa naglilistang tindera. Pagkakuha ng dilis na nakabalot sa pahina ng lumang PLDT directory, pinalis niya ang ngiti. Pagdating niya sa bahay, pinatutuyo ng asawa niya ang malaking basyong garapon ng naubos nilang Nescafe. “Kailan tayo uli magsasabaw ng kape?” tanong ng asawa niya. “May pinatay raw sa Nestle?” tanong ng anak niya. Nagsimula na namang magwala ang higanteng daga sa dibdib niya.

“Hamo’t tatanungin ko bukas sa mga nakawelga,” sagot niya. “Kung kailan tayo uli magsasabaw ng kape?” tanong ng anak niya. Pinalangoy niya sa garapon ang mga dilis. Nag-uunahan. “Ako nang magpiprito,” sabi niya. “Wala nang mantika,” balita ng asawa niya. Mahigpit niyang isinara ang takip.


(October 12, 2005. T. Sora.)


kelly.kili at 3:34 AM

Monday, August 01, 2005

Midterm Exam
ni Mykel Andrada

Panitikang Pilipino 19 (Panitikan, Kasarian at Sekswalidad)
Midterm Exam, Unang Semestre 2004-2005
Prop. K. Z. Freire


Pangkalahatang Panuntunan:
Isang oras at kalahati ang nakalaang oras para sa eksam na ito. Binubuo ito ng dalawang bahagi: A. Tama o Mali (15 points) at B. Sanaysay (35 points). Ang total score ay 50 points. Mayroon ring bonus na tanong sa dulo ng exam (5 points). Kung may tanong, itaas lamang ang kaliwang kamay para tawagin ang aking atensiyon. Good luck! :)

A. Tama o Mali. Right minus wrong. (15 points)
1. Nakabababa o nakatatanggal ng libog ang pagkain ng papaya.
2. Maraming puno ng papaya sa seminaryo dahil “tama” ang sagot sa tanong bilang 1.
3. Maaaring maging babae ang kasarian ng isang lalaking puno ng papaya.
4. Ang tao ay isang uri ng hayop.
5. Ang lahat ng hayop ay sekswal na nilalang.
6. Maaaring magahasa ang hayop.
7. Kasalanan ang incest maging sa mga pusa.
8. Maaaring maging bakla o lesbiyana ang pusa.
9. Size doesn’t matter.
10. Matter occupies space and has weight.
11. Isang uri ng matter ang alma mater mong exclusive for boys o for girls.
12. Ang katawan ng tao ay Templo ng Diyos Espiritu Santo.
13. Ang ostia ay nagiging katawan ni Hesukristo sa proseso ng transubstantiation.
14. Ang ostia ay Templo ng Diyos Espiritu Santo.
15. Dahil mayroong Tatlong Persona (Triumvirate) sa Iisang Diyos, at dahil si Hesukristo ay nagkatawang-tao, ang ostia na katawan at templo ng Diyos Espiritu Santo ay ang nakabuntis kay Birheng Maria.


B. Sanaysay. Maging direct-to-the-point. Length is illusory, most of the time. (35 points)

1.) Ipaliwanag ang konsepto ng scopophilia sa pamamagitan ng analisis ng billboard ad ng Bench kung saan nakaputing brief lang si Rafael Rosell. (15 points)

Alas otso pa lang ng umaga ay ngumangawa na si Mariah Carey. Napakalakas ng mga ispiker ng Index, ang kabubukas lang na salon sa kanto ng Tandang Sora at Matandang Balara. Sa lakas ng pagkanta ni Mariah, para akong biglang hinigop ng mga bangketa sa Quiapo kung saan nagtatagisan at nagpipiyukan ang mga amplifier at karaoke ng mga modernong pirata.

Katapat ng Index ang pinaglumaang salon ni Beauty. Sa tapat naman ng parlor ni Beauty, nakaburol ang mga panambak, pinagkataman, mga basyo ng bote, lumang diyaryo, at ilang natutuyong dahon ng acacia. Sa tapat rin ng parlor ni Beauty ako nag-aabang ng dyip papunta sa may Unibersidad ng Pilipinas. Habang sinasalat ng aking kaliwang hintuturo ang taghiyawat sa pagitan ng aking mga kilay, sinitsitan ako ni Beauty. Ngumiti lang ako.

“Free shave for you mam’ya! Go ka ditech, ha?” Pinakurba niya ang mga labi niya upang bumuo ng bilog. Pagkatapos ay pinaglabas-masok niya ang kaniyang dila sa bilog na butas. Parang sapot ng gagamba ang kaniyang panis na laway.

“Next time na lang.”

“I miss you na kasi, e! Sige na, I know naman na gustong-gusto mo ‘pag inaahitan kita.”

“Baka malugi ka lalo.” Pagkasabi ko nito, tumaas ang kaliwang kilay ni Beauty, nagpamaywang siya, tiningnan niya ang Index. Halos umakyat na sa puyo niya ang kanyang kilay.

“Punyeta ka, Kiko! Ke aga-aga, inookray mo aketch!”

Buti na lang ay may dumating nang dyip. At buti na lang ay bakante ang harapan ng dyip. Pagkasakay ko, iniabot ko sa drayber ang P7.50 at humingi ako ng permiso para magyosi. Tumango ang drayber at nakihiram pa ng lighter. Habang sinisindihan ko ang aking unang istik ng Winston Lights, nakita ko sa sidemirror sa tabi ng drayber ang billboard ad ng Bench: nakaputing brief ang higanteng si Rafael Rosell. Agad kong binawi ang tingin ko. Paglingon ko naman sa sidemirror sa tabi ko, nakita ko ang tinitighiyawat na mukha ng isang lalaking tayung-tayo ang buhok. Maganda ang pagiging mapanga niya. Moreno pa. Nagbubutil ang pawis sa noo. Naka-puting polo. Nasa hayskul siya malamang. Sa U.P. Integrated School kaya siya nag-aaral? Nahuli niya akong nakatingin sa kaniya.

Iniiwas ko ang tingin ko, kunwari’y ang mga nadaraanang maliliit na bahay, barung-barong, mga kabuteng beauty parlor, panaderya, sari-sari store at iba pang establisimiyento ang sinisipat-sipat ko. Sa kaliwa’y sinubukan kong bilangin kung ilang lalaki sa covered basketball court ang walang suot na pang-itaas. Sa kaliwa pa rin ay maingat kong tinutukan ang paborito kong bantay ng Pascual Lumber & Hardware Supply. Sa kanan, napasadahan ko ang ipinintang larawan ng mga batang tumatawid: ito ang disenyo ng pader ng Mustard Pre-school. Bigla kong naalala ang Parable of the Mustard Seed – kayliit-liit na bato ngunit kapag itinanim at inalagaang mabuti ay lalaki at lalago upang maging higanteng puno.

Nahaplit ng usok ang kanang mata ko kaya napapikit ako. Tiningnan ko sa sidemirror ang kanang mata ko, medyo namula. Sinulyapan kong muli ang lalaking tayung-tayo ang buhok. Nakayuko siya.

Parang iniimbudo ang pakiramdam ng biyahe padating sa main gate ng Ayala Heights. Para itinitinging mantika ang trapik ng traysikel, dyip, kotse, bus at trak sa kahabaan ng Katipunan. Ito ang baradong isaw na daanan sa likod ng Unibersidad ng Pilipinas. Barado hanggang sa Ateneo, hanggang sa dulo ng puwet ng Katipunan.

Pagkatapos ng halos 20-minuto ng mabagal na pag-usad, tumapat na ang dyip na sinasakyan ko sa may MWSS. Bumaba na ako kahit malayo pa ang gate ng U.P. Mayroon pa akong sampung minuto bago mag-8:30nu. Ayokong mahuli sa unang klase ko. May eksam sila ngayon.

Habang pinagmamadali ko ang aking mga hita, binti’t paa, bumunot ako ng isa pang istik ng Winston Lights. Isang yosi lang ang haba ng lakad papunta sa Kolehiyo ng Arte at Literatura. Namantsahan na ng pawis ang dibdib ng pulang t-shirt ko. Kinuha ko ang panyo ko, sinimulan kong hagurin ang dibdib ko para tuyuin ang pawis. Sa kahahagod ko, tumigas ang kaliwang utong ko. Naramdaman kong unti-unti namang tumitindig ang ilang hibla ng buhok sa kanang utong ko.

Dahan-dahang sumikip ang brief ko. Kumambiyo ako habang naglalakad. Iniwasan ako ng dalawang babaeng kasalubong ko.


2. Mayroong bang relasyong pangkapangyarihan sa sitwasyon o proseso ng seduksyon? Ipaliwanag ang iyong sagot. Magbigay ng ispesipikong halimbawa. (10 points)

Pagkatapos ng mga klase ko, bumili ako ng buko juice. Sa loob lamang ng humigit-kumulang dalawampung segundo ay nasaid ko na ang laman ng plastik na lalagyan.

Pumunta ako sa tambayang-kubo sa gilid ng Faculty Center. Nakalaan ito para sa mga guro at istap ng aming kolehiyo. Mag-a-alas dose pa lang ng tanghali ay nakakawalong istik na ako ng Winston Lights. Dumating ang matalik kong kaibigang si Caloy.

“Caloy, shet!”

“Bakit? Inaatake ka ba ng high blood?”

“Nagkasala na naman ata ako.”

Nakangising tinitigan ako ni Caloy. “Sino naman ngayon?”

“Siya uli.”

“Baka sinasadya mo!”

“Hindi, a! Bakit ba kasi siya shorts nang shorts?! Di naman siya varsity player.”

“Baka sinasadya niya.”

Ikinuwento ko kay Caloy ang “kasalanan” ko. Habang nag-eeksam ang aking mga estudyante sa unang klase ko, nakaupo ako sa ibabaw ng mesa upang tingnan kung may nagkokopyahan at upang abangan kung mayroong sumesenyas sa akin para magtanong. Naka-Indian seat ako. Sa pagkakaposisyon ko, ibang bagay ang nakanakaw ng aking atensiyon.

Sa harap siya laging umuupo. At kapag eksam, lagi siyang nakabukaka. Lagi siyang naka-shorts. Naka-blank stare lang naman talaga ako kanina. Katulad nung una. Hindi ko naman sinasadya. Puti ang brief niya nung una. Kanina, pula. Medyo nangalasig ang mga balahibo ko sa katawan, at kung pusa ako’y tiyak na nagsusulat na ang aking buntot ng letrang “S” sa hangin.

Mabilis akong bumaba mula sa aking mesang-trono.

Sa gilid ng aking kaliwang mata, nakita kong ngumisi siya, lumitaw ang kaniyang biloy sa kaliwang pisngi – lumikha ito ng uwang sa balat, parang maliit na maliit na maliit na maliit na replica ng bukanang-tumbong ng sanggol. Bigla niyang itinaas ang kaniyang bolpen. Lumapit ako sa kaniya upang alamin kung ano ang tanong niya.

“Sir, puwede bang ‘yung billboard na lang ni Wendell Ramos ang i-analyze ko? ‘Yung naka-red na brief siya.”

Marahan niyang idiniin-diin ang takip ng bolpen sa kaniyang biloy.

Pagkatapos ko siyang tanguan, ipinasok niya ang kaliwang kamay niya sa ilalim ng kaniyang t-shirt. Dahan-dahan niyang hinimas ang kaniyang tiyan, na para bang nagpapahinga mula sa pagsagot sa eksam. Sigurado akong pinaglalauran ng kaniyang kaliwang hinliliit ang kaniyang bulex, paakyat sa kaniyang pusod upang doon magpaikot-ikot. Tumalikod na ako’t ipinahinga ang aking mga kamay sa magkapatid na harapang bulsa ng aking pantalon.


3. Bakit itinuturing na “mag-asawa” sa sekswal na pag-aaral ang mga konsepto ng fetisismo at narsisismo? Ipaliwanag. Gumamit ng sariling halimbawa. (10 points)

Habang binabagtas ko ang paakyat na kalye ng Road 2, Matandang Balara, pauwi sa aking inuupahang kuwarto, aligaga’t abala ang mga kapitbahay kong nakatira sa hilera ng mga barung-barong. Nahaging ang aking mga mata ng isang babaeng may hawak na salamin at ng katapat niyang babaeng nagbubunot ng mga buhok sa kilikili. Nagkukuko naman sa paa ang isang lalaking naka-kahel na salawal. Naabutan kong dinudurog niya sa pagitan ng kaniyang kaliwang hinlalaki at hinlalato ang nakuhang dumi mula sa sulok-sulok ng kaniyang mga kuko sa paa. Pagkadurog, inamoy-amoy niya ang kaniyang kaliwang hinlalaki at hinlalato. Ganun rin ang ginagawa ng nanay sa pinagtutulihan ng kaniyang anak na batang babae. Pagpasok ko sa gate ng compound kung saan naroroon ang apartment na tinutuluyan ko, nakahandusay sa daan ang isang lalaking naghihilik. Gumagalaw na bundok ang kaniyang tiyan. Katabi niya ang isang buntis na pusa, himbing na himbing.

Pagkapasok ko sa aking inuupahang silid, tinanggal ko ang sapatos at medyas ko. Inamoy ko kung puwede bang gamitin kinabukasan ang medyas. Puwede pa. Kinuha ko ang maliit na salamin sa ibabaw ng mesa. Hinog na hinog na ang taghiyawat sa pagitan ng aking mga kilay. Pagkatiris ko dito, inamoy-amoy ko ang mantsang iniwan nito sa dilaw na tisyu ng Wendy’s.

C. Bonus (5 points)
Ano ang ibig sabihin ng salitang bulex at ano ang tawag sa buhok sa kilikili?


(Mykel. 11:29pm. August 1, 2005. T. Sora)
kelly.kili at 11:56 PM

Tuesday, July 26, 2005

These are special artworks made by two special friends for a subhuman book. Thanks to the genius of Adam David (for "Paolo Matalo") and Piya Constantino (for "Apartment sa Dapitan" and "Tatlong Beinte Singko").


Image hosted by Photobucket.com
"Paolo Matalo" by Adam David

Image hosted by Photobucket.com
"Apartment sa Dapitan" by Piya Constantino
Image hosted by Photobucket.com
"Tatlong Beinte Singko" by Piya Constantino

kelly.kili at 3:07 AM

Thursday, July 14, 2005

Paolo Matalo
Michael Francis C. Andrada


Nagtatalo pa ang mga Sarili ko sa Isip ko kung ngayon ko na ba ito susulatin. Itong bagay na ito na ilang linggo ko nang paulit-ulit na pinatatakbo sa utak ko. Nararamdaman na nga ng mga sentido ko ang paulit-ulit na pagtakbo ng kuwentong ito. Pero hanggang ngayon, ngayong eksaktong alas-onse ng gabi, Hunyo 28, 2005, patuloy pa rin ang pagtatalo. Dahil ako si Paolo Matalo.

Naisip kong gawing sagisag-panulat ang Paolo Matalo dahil nakatuwaan ko ang pangalan ng literating si Paolo Manolo. Sikat si Paolo dahil sa aklat ng mga tula niyang may pamagat na Jolography. Isang koleksyon ng tula sa Ingles na dinidiskurso ang Carabao English, Ingles ng mga artista at Ingles ng masang anakpawis bilang lehitimong lenggwahe sa Pilipinas. Sa madaling salita, ang pagsasakanon ng wikang “Jologs.”

Huwag kayong mag-alala. Ang kuwentong ito ay hindi papuri kay Paolo Manalo. Sa halip, ito ay papuri kay Romy Manalo. Hindi sila mag-ama, hindi sila magkamag-anak, at lalong hindi miyembro ng Iglesia ni Kristo si Mang Romy. Sa katunayan, Campos ang apelyido ni Mang Romy. Sa katunayan uli, ayaw na ayaw ni Mang Romy na tinatawag siyang Manalo.

Madalas na gawing sentro ng katuwaan ang pagtawag ng Manalo kay Mang Romy. Yung mga guwardiya sa Vinzons Hall (Student Center sa UP Diliman na ipinangalan sa aktibistang manunulat na kabataan noong panahon ng Batas Militar na si Wenceslao Q. Vinzons). Dahil “maganda” ang acoustics ng naturang gusali, ang sigaw sa lobby ay naririnig hanggang sa ikaapat na palapag kung saan naroroon ang opisina ng opisyal na pahayagan ng mga mag-aaral ng UP Diliman, ang Philippine Collegian o Kule. Doon sa Kule, Silid 401 ng Vinzons, nananahan si Mang Romy.

Nung 1999 ko unang nakilala si Mang Romy. Unang semestre ko ito bilang mag-aaral sa UP, at dahil wala akong kakilala at kaibigan, at dahil gusto kong magsulat, nag-eksam ako sa seksyong Kultura ng Kule. Nakita ko kasi sa unang isyu ng Kule na naghahanap sila ng mga manunulat. Tumawag ako sa Kule – 9205301 loc. 6640 – at may nakausap akong isang babae. Itinanong ko kung ano ba ‘yung blue book, dahil nakalagay dun sa anunsiyo ng Kule na sinumang interesadong kumuha ng eksam para maging manunulat ng Kule ay dapat magdala ng asul na librong ito. Pero di pala asul na libro ang blue book kundi isang quiz o exam notebook na asul ang pabalat. Sabi ng babaeng nakausap ko, sa mga manininda raw sa kampus iyon nabibili.

Kaya kinabukasan noon, bumili ako ng tatlong blue book, umakyat sa ikaapat na palapag ng Vinzons, sinabi ko sa nagbabantay roon na kukuha ako ng Kultura Exam, inabutan niya ako ng tatlo o apat na pahinang eksam, kumuha ako ng bolpen, isinulat ang pangalan at student number ko sa pabalat ng blue book, binasa ang eksam, at nagsimulang sumagot, nanghula, nambola, nanghula, nambola. Habang nanghuhula at nambobola, palihim kong tinitingnan nang masama si Niel Mugas, ang katatanggap lang na news writer ng Kule. Dahil sa kaingayan niya ay hindi ako makapagpokus sa panghuhula at pambobola.

Natapos ko ang eksam. Nakilala ko si Ellaine Rose Adricula Beronio (Eleyn) at si Maria Cristina Angela Guevarra (Giba). Pare-pareho kaming freshman noon, 1999, at sila ang mga nakasabay kong mag-eksam at nakasabay umuwi. Sa ikalawang isyu ng Kule, lumabas ang pangalan naming tatlo bilang mga bagong probee (probationary) na manunulat ng Kule. Si Eleyn ay magiging Editor in Chief ng Kule at si Giba naman ay magiging Tagapangulo ng Student Christian Movement ng UP Diliman. At ako naman, hmmm, hindi ko na lang itatala sa kuwento kong ito, dahil ang kuwentong ito ay tungkol kay Mang Romy.

Kaya nung matanggap ako sa Kule, umakyat ako kinabukasan sa tuktok ng Vinzons. Nasa Main Libe ako nang mabasa kong tanggap ako, at gusto ko sanang sumigaw noon kaya lang freshie pa lang ako sa UP, kaya hindi pa ako nadudungisan. Saka na ako mag-iingay pag mas matanda na ako. Umakyat na nga ako sa Kule. Habang hinihintay dumating ang editor ng seksyong Kultura, si Marian Kim Nepomunceno (Kimnep), ay kinausap ako ng isang matandang lalaking hukot na ang balikat, medyo payat, maputing parang Kastila, matangos ang ilong, at plantsadong-plantsado ang buhok. Si Mang Romy. Amoy pomada siya.

Ang bungad niya sa akin, “Bago ka dito?” Opo. “Meron ka ba diyan?” Ano po? “Manonood kasi ako ng sine mamaya.” Inabutan ko siya ng beinte pesos. “Salamat.” Itinanong niya ang pangalan ko. Sinabi ko naman. Nagpasalamat uli siya. Naaawa ako sa kaniya noon dahil iniisip ko baka naman talaga hindi siya manonood ng sine at palusot niya lang iyon para makahingi ng pera na ipambibili niya ng pagkain. Akala ko rin ay dyanitor siya ng Kule. Nagkamali pala ako.

Si Mang Romy ay ang may-ari ng Vinzons. Iyon ang lagi niyang sinasabi sa amin at sa mga guwardiyang tinutukso siyang “Manalo.” Kapag gabi na, itatago niya sa kung saang sulok ang kaniyang medyas at maruming damit, maglalatag siya ng diyaryo sa mahabang mesa ng conference room ng Kule, hihiga, magpapalaot sa panagimpan, at magsasalita habang natutulog. Madalas siyang makipag-away sa kaniyang panaginip. Kung sinong demonyo ang kalaban o kaaway niya.

Laging ipinapaalala sa akin ni Mang Romy na pinangakuan ko siya ng mga damit. Minsan ko lang siyang binigyan. Hindi niya isinusuot dahil masikip raw. Kinukulit pa rin niya ako hanggang ngayon tuwing mapapadpad ako sa Vinzons. Kapag kumakain naman kami ng luto ni Aling Lina – ang pinakamurang pagkain ay mabibili sa kaniyang “aristocart” sa gilid ng College of Education building, sa tapat ng Narra Dormitory – tatlong piso lang dati ang kanin, at ang presyo ng ulam ay naglalaro lamang noon sa sampung piso hanggang dalawampu’t limang piso – nakaabang na si Mang Romy, nampupulso kung kailan lalapit para magtanong kung ano ang ulam namin at kung titirhan ba namin siya. Minsan, nakita ko siyang nakatitig sa kinakain kong manok. Sabi ko, “Gusto mo ba?” Kung meron pa. Kinuha ko ang manok at iniabot sa kaniya. “Salamat.” Maya-maya, nakita kong tinatanggal niya ang bahagi ng piniritong manok na hinawakan ko nang iabot ko ito sa kaniya. Napailing na lang ako at napangiti.

Kapag nakatanghod ako sa malalaking bintana ng opisina ng Kule, lagi’t lagi akong naaabutan ni Mang Romy. Kinakausap niya ako. Minsan, umakyat siyang galit na galit at kinakausap ang sarili. Tinukso na naman pala siya ng mga guwardiya. “Bakit ka ba nila tinutuksong Manalo?” Inilabas niya ang pitaka niya, tinanggal sa pagkakatupi ang kaniyang sedula, at ipinakita sa akin ang kaniyang buong pangalan: ROMULO CAMPOS. “Bakit ka nga tinutuksong Manalo?” Hindi raw siya Manalo. Mandaraya raw ang mga Manalo. Sugarol raw. Pagkatapos nito, tinanong niya ako: “Meron ka ba diyan?” Para saan? “Tataya ako sa lotto.” Minsan, biniro ko siya: “Mang Romy, gusto mo bang manalo sa lotto?” Hindi siya sumagot.

Minsan naman, binuklat niya ang kaniyang pitaka: may litrato ni John Pratts.

Minsan naman, habang naghahanda siya para pumunta sa Quiapo, tinanong ko kung bakit siya pupunta sa Quiapo at kung may kamag-anak ba siya sa doon. Meron raw. “Bakit ka dito umuuwi sa Kule?” Sagot niya: Manonood ako ng sine sa Quiapo. “May asawa ka ba?” Buong pagmamalaki niyang sinabing: Syota ko noon si Charito Solis, kilala mo ba ‘yon? Artista raw siya dati. Nag-e-extra raw siya sa mga pelikula ng Liwayway. “Anu-anong pelikula?” Kamag-anak niya raw si Susan Roces, at bakit ko raw pinapatalsik si Erap, kamag-anak niya rin raw si Erap.

“Bakit ka may picture ni John Pratts?”

“Ako ‘to!” ang isinagot niya sa akin habang nagkakamot ng ilong.

Isang madaling araw na umuwi kami sa Kule galing sa lasingan, naabutan namin si Mang Romy sa conference hall na may kausap na isang babae. Kinabukasan, tinanong ko siya kung sino ang babaeng iyon. Sabi niya, may manananggal raw kasi nung kinagabihang naglalakad siya sa kampus ng UP at tinulungan raw siya ng babae. Nagsisimba tuwing Linggo si Mang Romy.

“Meron ka ba diyan?” Inabutan ko siya ng sampung tigpipiso. Ibinalik niya sa akin ang lima. Pamasahe lang raw ang kailangan niya papuntang Philcoa. Kakain raw siya sa McDonald’s. Kung ngayon ko siguro siya aabutan ng sampung tigpipiso, ibabalik niya sa akin ang tatlo at tatanungin kung may dalawang beinte singko ako.

Kapag may nawawalang cellphone at/o pera sa Kule, hindi kasama si Mang Romy sa pinagbibintangan.

“Bakit ka nga inaasar na Manalo?” Salbahe raw ‘yung mga Manalo. Salbahe raw ‘yung mga guwardiya. Hindi raw ba alam ng mga guwardiya na kamag-anak niya si Erap. Ipapapatay raw niya ang mga salbahe.

“Si Gloria, kamag-anak mo?” Hindi raw. Pandak, maitim at pangit raw si Gloria. “Malaki pa ang nunal.” Tumawa siya nang tumawa.

“Ang kulit mo naman Mang Romy?! Bakit nga Manalo? Bilis na, magagalit ako sa ‘yo.”

Ikinuwento niya sa akin nang buo. Sa akin lang niya ikinuwento. Kung gusto n’yong malaman, bilangin n’yo muna kung ilang beses kong ginamit ang salitang “minsan” sa maikling kuwentong ito, tapos i-email n’yo ako sa puzong@gmail.com at saka sasabihin ko sa inyo ang sikreto.


(Sinimulan Hunyo 28, 2005. 11:00pm. T.Sora. Tinapos July 14, 2005. 12:21am. T.Sora.)
kelly.kili at 12:37 AM

Monday, June 13, 2005

Unang Lunes ng Mayo, Taong 1997
Michael Francis C. Andrada


Hindi ko pa ito naikukuwento kahit kanino. Kahit sa pinakamatalik kong mga kaibigan. Lalung-lalo na sa mga kapatid at magulang ko. Kaya bago ang lahat, gusto ko lamang ipabatid sa iyo, ikaw na mambabasa, na anumang mapupulot mo mula sa kuwentong ito ay pawang katotohanan at katotohanan lamang. Kung ako’y iyong huhusgahan, mabuti pang huwag, huwag ka nang magpatuloy pa.

Nung unang Lunes ng Mayo, taong 1997, nagising akong tila nakaukit na ang mga kunot sa noo ko. Hinihingal ako na para bang hinahabol ako ng mga pulis sa dispersal ng isang rali. Nagtataka nga ako dahil dalawang buwan ko nang sunud-sunod na napapanaginipang dinampot ako sa may Mendiola, dinala sa presinto, pinapipirma sa isang testimonya na ako, isang menor-de-edad, ay pinilit na sumapi sa Partido Komunista ng Pilipinas. Pero nung unang Lunes ng Mayo, taong 1997, matapos ang dalawang buwan ng sunud-sunod na bangungot ng pandarampot ng mga pulis na matulis, ibang bungang-tulog ang pinagdaanan ko.

Hinihintay raw ako ng tatay ko at ng mapapangasawa ko sa may altar. Maraming bisita pero wala ni isang mukha akong maalala. Hindi ko alam kung sinu-sino ang mga kinumbida ko at kung sinu-sino ang mga sumulpot at lumiban. Dalawang mukha lang ang natatandaan ko: (1) ang mukha ng tatay ko, at (2) ang mukha ng mapapangasawa ko – ang bunso kong kapatid na si Julio.

Pagdating ko sa may altar, ibinigay ng tatay namin ang kamay ko sa kapatid kong si Julio, sa tradisyunal na pagpapasa ng anak na babae sa mamanuganging lalaki. Pero sa kasong ito, dalawang bagay ang labas sa tradisyon: (1) magkapatid kami ni Julio, at (2) pareho kaming lalaki ni Julio.

Hindi ko na matandaan kung ako ba’y naka-traje de boda. Basta pagkabasbas na pagkabasbas ng pari sa amin bilang huling akto sa pagpapatibay ng sakramento ng matrimonya, natagpuan ko ang sarili ko na pumapasok sa silid ng mga magulang ko, nakaakbay sa akin si Julio, at nakatanghod lang sa may pintuan ang mga magulang ko habang dahan-dahan naming tinatanggal ni Julio ang aming mga saplot. Hindi ko matantiya kung anong klase ng tingin o titig ang iginagawad nila sa amin. Para silang tulala na nakatunganga na masaya na nagugulumihanan na blanko at walang emosyon.

Pero pagkahiga namin ni Julio sa kama at sinimulan akong halikan sa tenga ng bunso kong kapatid, dahan-dahang lumapit sa amin ang mga magulang namin, tumabi sa amin sa kama, at nagsimula silang matulog – na tila ipinaghehele namin sila sa nagsasalimbayang ungol at hiyaw namin ni Julio sa sagradong proseso ng unang gabi ng pagtatalik. Nang matapos kami ni Julio, inilapat ko ang aking kaliwang pisngi sa kanyang dibdib. Nung una’y hingal ang naririnig ko mula sa kanya, ngunit pagdaka’y may maliliit at mahihinang katok akong nauulinigan mula sa loob ng kanyang dibdib. Sa panaginip kong iyon, gaano man kahina, hindi ako pinatulog ng mga katok na iyon. At sa katunayan, ang maliliit at mahihinang katok na iyon ang gumising sa akin mula sa panaginip.

Kaya nang magising ako nung unang Lunes ng Mayong iyon, taong 1997, tila permanente nang nakaukit ang mga kunot sa aking noo. Malagkit na malagkit ang katawan ko dahil sa natuyong pawis. Pero mas malagkit ang mga singit ko, at basang-basa ang salawal ko. Alam ko, hindi ako naihi, hindi tulad nung managinip ako na itinulak ako ng buhay na bangkay mula sa ikalimang palapag ng gusali ng aking hayskul noong 1993. Hindi tulad noong naihi ako sa sobrang takot nang managinip akong kinukuryente ng mga nakabatik na uniporme ang bayag ko, pinipilit akong sabihin kung sino ang mga kasama ko sa Partido.

Nung unang Lunes ng Mayo ring iyon, taong 1997, nasilipan ko ang bunso kong kapatid ko. Hindi na iyon panaginip. Sampung taong gulang siya noon, mataba. Ako, 16 na taong gulang naman noon, payat. Hindi ko naman sinasadyang silipan siya. Ang sinasadya ko ay ito: hulihin siya.

Nang umagang iyon, hindi lang ako nagising dahil sa maliliit at mahihinang katok. Nagising din ako dahil sa pamilyar na tunog. Narinig kong may parang bumanggang kung ano sa manipis na dingding na naghihiwalay sa kuwarto ko at sa kuwarto ng kapatid kong si Julio. Tunog ng siko na paulit-ulit na bumabangga sa kahoy na dingding. Ilang beses nang inilipat ang dingding na iyon. Ang kalansay ng dingding, sa tuwing ililipat upang maging dingding ng isang panibagong binubuong espasyo o silid ng tatay ko sa ikalawang palapag ng aming abang tahanan, ay nagbabago rin. Bawat pagbabago ng posisyon ng kalansay ng dingding ay lumilikha ng panibagong mga butas sa katawan ng dingding. Butas ng pako. Ang mga pako ng dingding na iyon ang tanging mga pako sa bahay namin na hindi napipirmi ng posisyon.

Sa butas na iyon, hindi ko sinasadyang masilipan ang bunso kong kapatid. Huhulihin ko lamang sana siya; tulad nang ginawa kong paghuli sa Kuya kong si Vic, 19 na taong gulang noon, lalaki, matangkad, at sa sumunod sa aking si Tony, 14 na taong gulang noon, lalaki, pinakamatangkad. Parang laro iyon. O mas mainam sigurong gamitin ang salitang “paghihiganti.” Gumaganti lang naman talaga ako.

Ilang beses na akong nahuli ni Kuya Vic na nilalaro ang lawit ko. Nung una’y inakala kong nahuhuli niya lang talaga ako. Yung hindi sinasadyang pagkahuli. Yung parang nabisto lang ako. Pero habang tumatagal, parang nakakaramdam na ako na ginugulangan ako. Hinuhuli talaga ako. Hindi para pagalitan, kundi para ipahiya. Parang may sistema, pinagplanuhan, pinag-isipang mabuti kung paano ako huhulihin sa aking pang-umagang ehersisyo. Minsan, ibababa ko pa lang ang salawal ko ay biglang kakatok sa pinto ng kuwarto ko ang kapatid ko. Agad akong magtutulug-tulugan pero naririnig ko ang kuya na pinipigil ang paghalakhak. Minsan naman, nasa kalagitnaan na ako ng pagpapantasiya na gina-gang-rape si Alma Moreno ng Guwapings (Mark Anthony Fernandez, Eric Fructuoso at Jomari Yllana) sa isang liblib na ilog sa gitna ng kagubatan ay biglang papasok sa kuwarto ko ang Kuya ko o kaya’y si Tony kaya matitigilan ako, mabibitin, at sasakit nang husto ang puson ko. Doon ko unang natutunang gamitin ang murang “putangina” sa sarili kong mga kapatid. At nakokonsensiya pa nga ako kapag minumura ko sila ng putangina hindi dahil sa mga kapatid ko sila kundi dahil nga sa mga kapatid ko sila – at dahil minumura ko sila ng putangina – ay tinatawag kong puta ang nanay ko.

Lalong tumindi ang hinala ko na sadyang hinuhuli nila ako para ipahiya ako dahil nang minsang nasa rurok na ako at katitilamsik pa lang ng unang katas ko ay biglang bumulaga ang kuya ko at ang tanging nasambit ko lang sa yugtong iyon ng magkahalong sarap, banas at pagkapahiya ay “Kuya!” habang pinid na pinid ang mga mata ko’t tila maaabot na ng aking mga kilay ang bumbunan ko.

Alam ng nanay ko ang lahat tungkol sa aming magkakapatid. Bago pa man namin namemorya’t nakilala ang sarili naming mga katawan, nakatala na sa imbakan ng impormasyon sa utak ng nanay ko ang lahat ng ito. Kaya hindi nakapagtataka kung alam niya kung sino sa lahat ng anak niya, sa apat na lalaking anak niya, ang pinakamakasalanan.

Minsan iniisip ko kung kasalanan ba iyon. Na nasilipan ko si Julio. Na ikinasal kami. At kapag katabi ko ang bunso kong kapatid, parang mayroong dambuhalang daga sa dibdib ko na minsa’y gusto kong kuryentihin tulad ng pangunguryente ng mga naka-batik sa aking bayag.


Mykel. Hunyo 12, 2005. 11:58pm. T.Sora.
kelly.kili at 12:44 AM

Wednesday, April 06, 2005

Tatlong Beinte Singko
ni Mykel Andrada


Isang Beinte Singko
Sa halip na magdamot, lalong magdamot. Sa halip na magpatawad, manumbat.

Yan ang bago niyang motto. Laluna kapag nanghihiram ako ng pera. "P5.50 lang naman... babayaran ko naman," lagi kong sinasabi. "P5.50 times seven times four times twelve," habang inaabutan ako ng apat na tigpipiso at dalawang beinte singko.

Ibinayad ko agad sa dyip papuntang Manila City Hall ang baryang hiniram ko kay Hero (palayaw niya ito; mamaya, sa dulo ng kuwento, isusulat ko nang buo ang pangalan niya. O! Wag mo nang tangkaing puntahan agad ang pinakadulo ng kuwento. Pag pumunta ka, tutubuan ka ng taghiyawat sa utong!). Maayos na sana akong magbibiyahe -- tatakamin ang sarili sa mga posibleng pagpipilian at uutanging putaheng de-plastik na patong-patong at nagsusumiksik sa basket ni Manang, magbibilang ng mga taong naka-dilaw na pang-itaas, at lilimiin kung kanino nga ba ako mangungutang ng pamasahe pauwi -- kung hindi lang nahulog ng lalaking pinag-abutan ko ng bayad ang isa sa dalawang beinte singko ng P5.50 na inutang ko kay Hero. Yumuko-yuko ang lalaki -- putimputi ang polo't pantalon, makintab na itim na parang balat ng ipis ang mga sapatos -- ngunit nang palutangin niya ang kaniyang ulo mula sa pagkakadukdok sa paghahanap sa pagitan ng kaniyang mga hita, dalawang matipid na iling ang iniabot niya sa akin.

Doon na nagsimulang mamula ang mga mga mata ko, pilit tinatalo ang pamumula ng mga tainga ko.

"Ed (palayaw niya ito; mamaya, sa dulo ng kuwento, isusulat ko nang buo ang pangalan niya, tulad nang sitwasyong ibinigay ko sa iyo sa kaso ni Hero. O! Pag pumunta ka agad sa pinakadulo ng kuwentong ito, tutubuan ka ng taghiyawat sa magkabilang likod ng mga tuhod mo!)?" mahinang itinanong ko habang lumalaki ang mga singkit kong mata.

"Ranc (palayaw rin ito; oo, mamaya, sa dulo ng kuwento, isusulat ko nang buo ang pangalang ito, tulad ang sitwasyong ibinigay ko sa iyo sa kaso nina Hero at Ed. Huling babala: Pag pumunta ka agad sa pinakadulo ng kuwentong ito, tutubuan ka ng taghiyawat sa kuyukot!)!" malakas niyang sagot.

"Ed, si Ikel (palayaw ko; tingnan ang sitwasyon o kondisyong ibinigay ko kina Hero, Ed at Ranc; napapagod na ako sa kauulit. Di ka ba napapagod sa kababasa?) 'to," sagot ko.

"I still haven't changed, 'no?" sabi niya.

"Malinis ka na ngayon," pabiro kong sagot.

Umusog papalapit sa akin si Ed. "Di ko kasi makita 'tong nunal mo," sabi niya habang itinuturo ang nunal sa ilalim ng kaliwang mata ko.

Bumaba siya sa UST. Nung pababa na ako ng dyip sa bukana ng underpass na tataluntunin ko papuntang ikatlong palapag ng City Hall, siningil ako ng drayber. Buti't mabilis akong tumakbo.

Natanggal nga lang ang suwelas ng kaliwang sapatos ko.


Dalawang Beinte Singko
Ang tumakbo nang matulin, hinahabol.

Iyan ang bago kong motto. Inabutan ako ni Hero na inirarugby ang suwelas ng kaliwang sapatos ko. "Mukha mo na lang idikit mo diyan!" Gusto ko sanang iganting: "Mukha mo, mukhang pinagparausan ng mga konyong parokyano ng Starbuckla mo!"

Pero mabilis na natuyo ang rugby sa mga labi ko.

Inabutan ako ni Hero ng maliit na bag na mukhang glamorosong bersyon ng Manila paper na ginagamit namin sa mga pag-uulat nung nasa hayskul pa kami sa Lourdes School, Quezon City (LSQC). Naglalaman iyon ng:

1. isang maliit na hiwa ng banana cake.
2. dalawang pakete

Tatlong Beinte Singko

Beinte Singkong Duling
Sinabi nang wag mong puntahan agad ang dulo ng kuwentong ito, e! At dahil nandito ka na, ayoko na. Hindi ko na tatapusin ang kuwento. Di mo tuloy malalaman kung bakit naging Hero, Ed, Ranc at Ikel ang mga palayaw namin. Namin? nAMEN!


459AM APRIL 6
kelly.kili at 4:59 AM

Monday, March 21, 2005

Aba! Ginoong Maria!
(isang kuwentong nagpapasubali; isang repleksyong nangangalirang)
ni Michael Francis C. Andrada

May mga bagay na naman akong hinahanap. Tulad ng isang kilapsaw sa gitna ng hungkag na espasyo ng silid-aralan. Maghihiraya ako kung mapupunta ba ang langit sa gitna ng silid, lalamunin kaya kaming lahat? Mauuna ba ang guro? Lulutang ba ang mga mesa't upuan? Mahahamugan ba ang lahat? O mayroong matitirang tuyo, walang bakas ng haplit ng hininga ng langit? O matutulig ba ang lahat sa reyalidad ng Lutang?

Aba!

* * *

Pinag-uusapan namin ang Tsismosa isang gabing nakalibing ang katahimikan at nag-ugat na parang puno ng manggang matatabang ang bunga. Ang saysay ng pagdadalamhati, ayon sa isang kaklaseng babaeng may salaming nag-iipon ng hamog, ay lampas sa pita ng personal na laman. Pumapaimbulog ito, sa loob-loob ko, tulad ng pagkabagot ko. Tulad ng pagngatngat ko sa aking mga kuko sa mga daliri ng kamay. Kung di lang nakahihiyang ngumata ng kuko ng mga daliri ng paa, kusang aakyat ang aking mga paa sa ibabaw ng mesa, nakahaing parang paboritong adobong luto ng aking nanay.

Madalas ganito ako, Lunes, gabi, hapo sa maghapong pakikipagpingkian sa akademiya. Lagi kong naaalala si Garfield, ang paborito kong pusang tauhang-kartun, na galit na galit – ayaw na ayaw – iling nang iling – tuwing Lunes. Totoo iyon maging para sa akin. Ang Lunes, ang opisyal na Unang Araw ng Pagtatrabaho, ay ang Lunes na Kayhirap Bunuin. Lumilipad ang isip ko, madalas, sa isang malapit na pook, tulad ng personal na espasyo ng hiram at inuupahang silid sa Tandang Sora: inaabangan ang pagtalsik ng semilya, ang paglagak nito sa pusod, ang pagkalmot ng kuko sa likod, ang rurok ng samu’t saring saya. At higit sa pisika ng pagtilamsik, ang pag-asam sa natatanging sampung daliring susuklay sa malago kong buhok.

Kadalasan rin, laluna kapag naiisip ko ang kahel na pusang si Garfield, nababasag ang aking utak at nagiging mga mayang matatalasik ang mga balahibo. Habang pumapagaspas ang pakpak ng mga maya buhat sa pitong lagusan ng aking ulo, nadaraanan nila ang ulo ng aking mga kaklase, minsan ay nag-iiwan ng mumunting ipot, minsan nahahagip sila ng malalamya, matatamis, malalabsa, maaanghang, masisigasig na salita, minsan nababangga sa pader, minsan bahagyang nakakahinga sa pagsusumiksik sa mga rehas ng bintana, palabas sa isang kapiraso ng kuwadradong langit, itim, maalikabok, nangangasong parang uling. Minsan rin, ang mga maya ko’y nahahagip ng ipot ng mga bituin. At madalas, nadadagit ng mas malalaking ibon.

Lilipad. Mapapagal. Hahapong muli, sa isang patay na tangkay ng matandang puno ng manggang matatabang ang bunga. Kakapit sa tangkay, ibabaon ng aking mga maya ang kanilang maliliit, maninipis na kuko sa balat ng tangkay ng puno.

Ginoo!

* * *

Ang Diskurso ng Tsismosa: si Kiko Sta. Maria, ngumangata na naman ng kuko. Di makatingin nang diretso. Di kayang sumalubong ng titig. Lutang na naman. Kaya ka ba tahimik?

Maria!

* * *

Sa madaling salita, lumulukob ang langit nang walang paalam. Kikilapsaw nang walang pahintulot.

Tanong: paanong sa panahon ng nagsisikuhang interes ng langit at lupa, ng tubig at lupa, ng langit at tubig, ay nakakayang kumilapsaw ng langit?

Aba!

* * *

Kahit saan ako bumaling, kahit nakatitig sa mga daliring namumula na sa kakakagat ko, mayroong kasaysayang sumisiko sa akin. Sa tingin ko, sa palagay ko, sa pakiwari ko, ang mga pagkakataong ito ang pinakamabait sa lahat ng masasama.

At sa mga pagkakataong ito, naaalala ko, ang sabi ng isang Batong Buhay: Pare, libre lang ang mangarap.

Pero, pare, hindi rito. Hindi rito sa mundong ito.

Kaya ayun, tumalon ang puso ko, pulampula sa pagpipiga ng dugo, nalaglag sa lupa, nagkapira-piraso, nabasag at naging mga kahel na pusang mapupula ang nguso’t palad.

Ganun pala ang kasaysayan, sabi ko sa sarili. Ginagawa akong magkakawangis na pusa. Ginagawang magkakapatid ang magkakawangis na pusa. Ginagawang magkakawangis ang magkakaibang pusa. Kahit ang mga pusang gala. Gusto ko. Gusto kong maging pusang gala.

Kaya naglagalag ang mga pusang gala. Nagnakaw ng isda, pumuslit ng sisiw, kumatay ng inahin. Sa dulo ng kanilang mga kuko, ang talim ay taimtim, nananalangin, taimtim.

Anong mas matalas? Salita? Kuko?

O ang lahat ay nagiging salitang-kuko?

Ginang!

* * *

Sa ilalim ng bubungang langit, sa Lupang Lumulubog, nakapayungyong ang mga bituin. Habang pinapaypayan ang usapan hinggil sa ispiritwal, ethereal, kaluluwa – ang kalautang ang siyang nagluluwal ng abang kahibangan. At patuloy na lumulubog ang aming mga tumbong sa usapan, kasabay ng pagsirko ng mundo, ng paglalakbay ng mga bulate sa ilalim ng lupa, kasabay ng sintesis ng mga partikulo ng lupa, buhangin, bato, at utak.

Tinangka kong bilangin ang mga matang kumukurap sa dilim, pagdaka’y ang mga mata ng langit na nakatitig sa amin, nakaturo ang dulo ng kuko ng hinlilit sa pilikmatang mala-garing ng mga bituin.

Andromeda!

* * *

Ang maninipis na kuko, ang pinakataimtim, minsan nananalangin, laging taimtim, pinakataimtim.

Gumuguhit ng kilapsaw sa langit, pinadurugo ang mukha ng langit.

Kaya nagsipagaspasan ang mga maya, nagsilagalag ang mga pusang gala. Tumuka ng bunga, umipot ng dinamita. Nagnakaw ng isda, pumuslit ng sisiw, kumatay ng inahin. Sa dulo ng kanilang mga kuko, ang talim ay taimtim, nananalangin, taimtim.

Sa dulo ng kuko, naroon ang kapangyarihang taimtim.


(Aba. March 20, 2005. 8:22pm. Bahay nina Eleyn at Suyin. Tandang Sora, Balara.)
kelly.kili at 3:09 AM

Sunday, February 13, 2005

Tala-Huli / Huling Tala: Si Manong, Sa Dyip, Ang Drayber, at Ako, Ako Lang Naman, Ang Kanyang Pasahero
ni Michael Francis C. Andrada

Inabot ako ng mga tatlumpung minuto kahihintay sa dyip na susundo sa akin. Ang sundo ko ay dyip. Dyip na maaaring walang laman o punumpuno ang likuran. Dyip na may isang sakay o wala sa harapan. Basta dyip na nagtatakda ng isang bakanteng upuan sa harapan para sa akin.

Dumating na si Manong. Ilang beses man siyang magpalit ng mukha, alam kong siya si Manong1. Ang diyos ng manibela. Ang utak na palikaw-likaw tulad ng sikmura. Ang utak na memoryado ang palikaw-likaw na kalsada. Ang bisig na sanay sa alburoto ng kalsada. Minsan, nginingitian ako ni Manong. Minsan naman, ipinatatapon sa akin ang yosing kasisindi ko lang. Minsan, iipitin ko pa lang ang yosi para sindihan, sinasaway na niya ako. Daig pa niya ang tatay ko kung magpatupad ng batas.

Kaya kanina, matapos ang tatlumpung minutong paghihintay, matapos ang tatlumpung minuto ng pagpapasakit ng tuhod, binti at talampakan, dumating siya dala ang bago na namang dyip, muntik pa akong malampasan. Sumakay ako. Namumula ang kayumanggi niyang balat. Tumoma na naman siguro, tahimik na patutsada ng sikmura ko. Nagpaalam ako. Hindi iyong nagsabi na aalis o bababa ako, kundi iyong paalam na humihingi ng permiso. Sa pinakamagalang kong mga salita, sinabi ko kay Manong: "P'wede bang magyosi?" Tumango lamang siya nang hindi man lang ako pinagdadamutan ng tingin.

Medyo napikon ako, dahil pakiramdam ko, heto na naman si Manong, wala na namang pakialam sa paborito niyang pasahero. Nakatitig lang siya sa kalsada, marahil binibilang kung ilang makapal na puting linya sa kalsada ang nadaraanan niya simula nang sumakay ako sa dyip niya.

Parang binubulatlat na tiyan ng palaka ang dibdib ko. Sa inis marahil. Sa hindi pagbigay ni Manong ng kahit na pahapyaw na sulyap sa akin. Pahapyaw na nga lang, at sulyap pa, hindi pa niya maibigay sa paborito niyang parokyano, na paborito naman siyang drayber. Naisip ko sa puntong iyon ng malalim na gabi sa Philcoa, papaliko sa kurba ng Quezon City Circle, kung mayroon ba akong ginawang mali para ikagalit ni Manong.

Gusto kong bulatlatin ang tiyan niya, at kunin ang kaniyang bitukang ipupulupot ko sa leeg niya.

Tala-Huli
[1] Minsan, galing sa Welcome, Rotonda (na Mabuhay, Rotonda na ngayon – at nagbiro pa iyong kaklase kong baklang si Charles nung hayskul kami sa Lourdes School of Quezon City nang ganito: Charles: Bongga ang pag-pay kesh sa jeepangga kaninesh! “Manong, bayad po!” “Sa’n ‘to?” tanong ng drayber. Sagot ko: “Mabuhay!”), nagmamadali akong sumakay dahil mahuhuli na ako sa alas-diyes (siyempre umaga) na klase ko, hindi ko na nagawang mag-abang pa ng dyip na may bakanteng upuan sa tabi ng drayber. Ako pa lang ang lulan ng likuran ng dyip. Naghihintay pa ako ng pasaherong sasakay para may mag-aabot ng bayad ko sa drayber. Sinipat-sipat ko ang batok ng drayber. May lumalaylay na mahahabang hibla ng buhok mula sa dulo ng bumbunan, bagama’t nasasakluban ng pulang sumbrero, taksil ang mahahabang hibla ng buhok sa identidad ng drayber. Sa pagsulyap ng drayber sa sidemirror sa kanan, ipinihit niya nang bahagya ang kaniyang ulo. Nakita ko ang isang kapat ng kalahating mukha ng drayber: maamo ang mukha, maselan ang kalahating ilong, maliit ang kanang tenga. Parang, parang, parang kalahating mukha ng babae. At taksil ang maamong mukha, maselang kalahating ilong, at maliit na kanang tenga niya. Babae. Babae nga si Manong Drayber. Dahan-dahan akong pumunta sa likuran niya. Iniabot ko ang bayad ko habang sinasabing: “Mama, bayad ho.”

(Sinimulan noong Pebrero 11, 2005. Iba. 11:37pm.)
kelly.kili at 2:55 PM

Tuesday, November 09, 2004

Si Eric, Si Maria Victoria Bagay at Si Amery

1. Tatay
Dumating ako, mag-a-alas dose ng hatinggabi, mariin nang nakapinid ang labi ng pinto. Doorbell. Pagkalipas ng tatlumpung segundo, di na dilaw na ilaw ang bumulaga sa akin sa tarangkahan. Krismas layts na.

Di pa man nabubuksan ng tatay ko ang pintuan ay naamoy ko na ang gin na paborito niyang inumin. Di lang kasi sa hininga nasasagap ang amoy nito. Nagmumura na ito sa kaniyang pawis.

Pinabili niya ako ng tatlong itlog. Dinagdagan ko ng bili ng isang kaha ng Winston Lights. Bukas ng alas sais ng umaga, bago ako pumasok sa klase, ko pa makukuha ang sukli, sabi ng tindera. Nagsangag ng kaning-lamig ang tatay ko. Nag-init ng pansit. Nagtorta ng itlog. Tinawag niya ako para kumain. Gusto ko sana siyang sabayan pero dahil magkapatid ang panlasa at pang-amoy, maglalasang gin ang torta't sinangag niya.

2. Nanay
Nagising ang nanay ko nang magdoorbell ako. Bumaba siya, nalimutan kong humalik, mukhang nalimutan niya rin. Sinindihan niya ang kompyuter. Kumonek sa worldwideweb.

Antagal sumagot ng nanay ko sa e-mail ng kuya kong nasa Taiwan, pero nasa New York ngayon dahil ipinadala siya ng kumpanyang pinagtatrabahuhan. Nang maipadala niya ang elektronikong liham niya, pumunta siya sa www.google.com. Di ko nakita kung ano ang tinayp niya sa search engine. Pero maya-maya, nasa isang website na siya ng F4. Hanggang ngayon, adik pa rin siya kay Ken Zhou.

Minsan, nagtext sa akin ang nanay ko: "Til 8am pla free ISP. Kttpos ko lng mgintrnet. Nagssoundtrip ako ngyn."

3. Kuya
Minsang mag-chat kami ni Kuya sa Yahoo Messenger (YM), nalaman kong magkapatid pala kami. O kapatid pa rin pala ang turing niya sa akin.

Sabi niya, "Oi! Mag-ingat ka! Baka mahuli ka!"

Kung anuman 'yun, sa aming dalawa na lang ng kuya ko 'yon.

4. Diko
Ako yun.

Bago makarating sa haybols ko/namin, naturalmente, madaraanan ko ang bahay ng mga kapitbahay ko. Dis-oras na ng gabi, at di nakapagtatakang di-nilalangaw ang umpukan ng mga tomador.

Binati ako ni Eric, kababata ko, dating boypren ng dating nobya kong si Maria Victoria Bagay. Tumango ako. Itinaas ang yosing hinihithit ko. Tapos tumungo ako't naglakad pauwi.

5. Sangko
Nagpapainit ng tubig ang kapatid ko. Maglalaga raw siya ng mga boteng sususuhan ng anak niya. Kanina, sinilip ko sila ng asawa niya. Gising pa sila at nanonood ng telebisyon. Tulog na si Amery, ang dalawang-araw pa lang na anak nila.

Gwapo ang kapatid kong ito. Ang pinakagwapo sa apat na anak na lalaki ng tatay ko sa nanay ko. Apat lang naman kaming anak ng tatay ko sa nanay ko. Lalaki kami lahat. Lalaki.

Gusto sana ng kapatid ko na lalaki ang anak nila ng hipag ko. Pero babae si Amery. Kanina, nang sumilip ako sa kuwarto nila, tamang-tamang naghihikab si Amery.

Sabi ng nanay ko, ganung-ganun raw ang hitsura ng kapatid ko nang ipanganak niya siya. Sabi ng tatay ko: maganda, maputi, matangos ang ilong ng bata. Kamukha ng kapatid mo. Siyempre naman.

Dati, sabi ng tatay ko, "Ayoko talaga dun kay Jhoanna (dating nobya ng kapatid ko). Di sila bagay ng kapatid mo. Masyadong gwapo ang kapatid mo." Kulang na lang sabihin niyang pangit at maitim si Jhoanna.

Minsan, inilalagay ko ang sarili ko sa tsinelas ng asawa ng kapatid ko, at hinihiling ko na huwag maging tatay ko ang kapatid ko.

6. Bunso
Dalawampung taong gulang na si Bunso. Para siyang Buddhang nakaupo sa kama namin, nagkukutkot ng kaniyang pitaka, inaayos ang mga litrato niya at ng nobya niya.

Nakita ko ang litrato niya nung mga anim o pitong taong gulang pa lang siya. Itinuro ko habang sinasabi: "Tulog ba si Amery? Baby, may bagong baby na tayo. Di ka na baby!" Sabi niya: "Hmp!" pero nakangiti siya.

Sa gabi, o madaling araw, tulad ngayon, tulad mamaya, aakyat ako't tatabi sa bunso kong kapatid. Naghihilik na siya ay magsisimula pa lang akong magpalaot sa panagimpan o bangungot o bungang-tulog, alinman ang masagwanan ko mamaya. Pero iyon, ang hilik na iyon, ang aking bangka.
kelly.kili at 2:18 AM

Thursday, November 04, 2004

Erotikol: Tootsie Roll

(Puro na lang proyekto. Tunay na sadomasokismo.)

Natapos ang lahat na parang isang kulangot na initsa sa ere.

Pinaulanan niya ako ng sampal, pagdaka’y kinuha niya ang dalawang kamay ko.

Pinagbuhol niya ang mga daliri ko at pinosasan ako. Habang ginagawa niya iyon ay iniisip ko na lang na bida ako at objek ng pagnanasa sa isang sadomasokistang pelikula. Ako, isang bansot na dilawang-balat sa lupain ng mas matatangkad na kayumanggi, pantasya ng bayan.

Dinaig ko sa paghalinghing si Joyce Jimenez sa pelikulang “Ang Galing-Galing mo, Babes.” Sabi ko pa kay William, “Ano na nga ba’ng pangalan ko?” Sa sobrang sarap ng ginagawa sa akin ni William, nakalimutan ko ang pangalan ko: Anthony Vincent Santos. Saglit ko lang namang nakalimutan; parang nawaglit na susi sa bahay; na babalik-balikan ko ang lahat ng lugar na dinaanan, pinuntahan, pinagkapehan, pinag-upuan ko para lang maalala kung ano-ano nga ba ang ritwal at disrupsyon sa ritwal na ginawa ko sa araw na nawaglit ko ang aking susi sa bahay. Hanggang sa maalala ko kung saan ko nailagak ang aking susi. Ang misteryo ng nawawalang susi.

Habang nakataas ang aking mga kamay, naramdaman ko ang magaspang at basang dila ni William sa kaliwang kilikili ko, paakyat nang paakyat hanggang makarating sa dulo ng aking hintuturo. Itiniklop ko ang natitirang apat na daliri sa aking kaliwang kamay at ipinalabas-masok ko ang aking hintuturo sa perpektong bilog na puwang na binuo ng kumukurbang mga labi ni William. Nakita kong pumikit si William, tulad nang panunukso niya sa akin nung bata pa kami: bibili siya ng malaking Tootsie Roll, isang uri ng silindrikal na kending karamel, at lalalang siya ng maliit ngunit perpektong bilog sa pamamagitan ng maraming kombinasyon ng pagngiwi, pagngiti, pagnguso, pag-buga-hithit ng hangin – at ang dulo ng lahat ng kontorsyong iyon ng kaniyang mga labi ay ang paglabas-masok ng Tootsie Roll sa kaniyang bilugang puwang. Ganung-ganun pa rin ang pagpikit ng mata niya, na halos mabunot ang kanyang mga pilikmata sa diin ng kaniyang pagkakapikit. Ang mga pisngi niya, mapulang pisngi ng makopa.

Parang narinig kong sumigaw ng “cut” ang direktor sa isip ko dahil biglang nabalibag pabukas ang pinto ng kuwarto ko. Napamura na lang ang nanay ko sa nakita niya.

Ang makopa, ang mga pisngi, ang makopa, nagpailandang mula sa sanga ng kaniyang nanay na puno, patungo, padausdos sa kama, sa sahig, hanggang sa makarating sa tensiyonadong paanan ng nanay ko.

Hindi na sinubukan pang magpaalam ni William sa nanay ko na aalis na siya. Dire-diretso siyang hinigop palabas ng tarangkahan, nakayuko na tila nananalamin sa kaniyang bagong-biton na sapatos na balat. Nangangalahig siyang inahin. Hinahanap kung saan nahulog ang binilog at initsang kulangot.

(Mykel. Nobyembre 4, 2004. 4:14nu. Iba, Quezon City.)
kelly.kili at 1:42 PM

Sunday, October 24, 2004

Apartment sa Dapitan
ni Mykel Andrada

(Sa wakas, isang natapos na kuwento para sa proyekto ko kay Mang Jun Cruz Reyes.)


Sabi ni Edward, “You’re history,” sabay tutok ng patalim sa pagitan ng mga mata ko. Buti’t hawak ko ang Noli Me Tangere, ‘yung pula ang pabalat at may malaking mukha ni Jose Rizal. Sa kaliwang mata tinamaan si Rizal.

Hinila ng pinto palabas si Edward.Sa unang pagkakataon simula nang magsama kami, mag-isa akong matutulog sa apartment. Dahil lang sa selos niya sa propesor ko sa Kasaysayan kaya siya lumayas. Hindi ko tuloy alam kung ano’ng sasabihin ko kay Prop. ngayong bulag na ang kaliwang mata ni Rizal.

Pumunta ako sa banyo. Dati iyong palikuran, labahan. Naroon kasi ang poso. Hanggang ngayon, naroon pa rin ang poso. Malamig ang tubig kapag mainit ang panahon, at maligamgam naman kapag panahon ng pangangaligkig. Binomba ko ang poso, malamig ang ramdam ng bakal na hawakan, dumaloy ang masaganang tubig patungo sa pusod ng batya. Nakikita kong unti-unting nabubuo ang mukha ng tubig, una’y mababaw hanggang sa halos umapaw na ito, hanggang sa nakita kong nabubuo ang mukha ko roon.

Naghinaw ako ng kamay. Nalabusaw ang mukha ko sa mukha ng tubig.

* * * * *

Madaling araw. Mga dahon lang ang naniniklot sa labas. Saan kaya nagsuot si Edward? Pumunta ako sa may tarangkahan. Wala ang mga aso kung saan dapat silang nahihimbing na. Kumakahol ang mga bantay. Nasa labas sila ng gate. Tinungo ko ito. Nakabukas pala; mukha lang nakasara dahil magkalapat ang dalawang bakal na labi nito. Marahil, dahan-dahang itinulak ng hangin.

Pagkabig ko sa gate ay dalawang buntot na kumakaway ang unang namataan ko. Kaunting usod ko pa’y dalawang itim na sapatos na balat ang namasdan ko. Nakaturo sa lupa ang mga dulo nito. Isang lalaki ang nakahandusay sa labas ng aking (aming) tarangkahan.Malago ang buhok niya, parang pelukang ipinatong sa bumbunan. May dugo sa sahig, galing sa dibdib ng lalaki. Luminga-linga ako, wala ni isang kaluluwang naligaw, maliban sa lalaking nakikipagniig sa kalsada, sa tapat ng aking tarangkahan, sa tapat ng aking (aming) inuupahang bahay.

Ayaw kong tingnan ang mukha niya. Pero kailangan. Iyon ang utos ng utak ko. Dinadaga ang dibdib ko. Iniharap ko siya sa akin. Malago ang bigote niya. Parang idinikit lang. Si Cesar Montano. Si Cesar nga. At kahawig niya, sa pagkakataong iyon, si Rizal. Sa pelikulang ipinapanood sa amin ni Prop. (pinagagawa kasi kami ng komparatibong analisis ng mga pelikulang hinggil sa buhay ni Rizal).

Sa takot ko’y pinapasok ko na ang mga aso, baka-sakaling tumigil sa kakakahol. Baka kasi magising ang mga kapitbahay at pagbintangan akong pumatay kay Montano. Tumigil naman. Pagkatapos hinila ko na si Cesar papasok sa loob ng bahay. Kumahol na naman ang mga aso. Tinadyakan ko para matakot. Kumaripas naman ng takbo ‘yung isa. Sumunod na rin ang isa.

Mas mabigat pala ang katawan ng isang patay. Pareho lang ng pangangatawan sina Cesar at Edward. Nang minsang akayin ko papasok si Edward, di ako gaanong nahirapan. Hindi tulad ngayon. Isang bangkay. Si Montano pa. Mabigat. Ang grabedad ang may-sala nito.

Pagdating sa sala, ang una kong naisip ay kailangang madispatsa ko si Montano/Rizal. Hindi ko alam kung bakit ganun ang nararamdaman ko. Kailangan kong dispatsahin si Cesar/Jose. Kundi, baka magahasa lang ako sa kulungan.

Kumapit na ang dugo sa mga palad ko. Namantsahan pa pati ang dilaw na t-shirt kong “Buru-buru” ang disenyo, nabili ko ng P50 sa ukay-ukay sa Cubao. Pumunta ako sa banyo, para maghugas ng kamay at braso. Kinuha ko ang pakete ng Tide, mas mahusay na pantanggal iyon ng mantsa ng dugo. Pagpasok ko sa banyo, nakapagtatakang wala na ang poso. Kinusot ko ang mga mata ko, wala talaga ang poso.Sa halip, isang lumang balon ang naroroon.

* * * * *

Lagi akong iniimbitahan ni Prop. na sumama sa kaniyang kuwarto. Minsan ko lang siyang pinaunlakan.

Pagpasok ko, unang tumambad sa akin ang bust ni Rizal. Nasa gitna ng kaniyang silid at napaliligiran ng mga bala ng VHS. Puro pelikula tungkol kay Rizal. Pati mga episode ng serialized na Noli me Tangere sa telebisyon.“Si Joel Torre ang pinakamahusay,” sabi niya. Pinakamahusay na gumanap kay Rizal sa pelikula.Ibibida ko sana si Cesar Montano, pero naunahan niya ako. “Pinaka-baklang Rizal si Cesar Montano.” Paano raw, nung sinindihan ni Cesar ang gasera sa pelikula, at nung patayin niya ang apoy ng ipinansinding posporo ay hinipan niya ito sa halip na alugin sa ere gamit ang hinlalaki at hintuturo.

Nagsindi siya ng posporo matapos sabihin iyon. Iniaabot niya sa akin. Hinipan ko. Dahan-dahan niyang inilibing sa mukha ng kaliwang sapatos ko ang kamamatay lang na posporo. Pagtungo niya, nanalamin ako sa kintab ng ulo niya.

Ikinuwento ko iyon kay Edward pagdating ko sa bahay. Sa galit niya, para siyang sinindihang posporo.

* * * * *

Bumalik ako sa sala. Sinusuklay na ng mga daliri ni Edward ang buhok ni Cesar/Jose. May umaalimbukay na kung ano sa dibdib ko.Dahan-dahan kong nilapitan si Edward. Patuloy lang siya sa pagsuyo kay Montano/Rizal. Hinawakan ko siya sa balikat. Nanginginig ang buo niyang katawan. Humiga ako sa tabi ni Cesar, ni Jose. Pinadaan ni Edward sa mga puwang sa pagitan ng kaniyang mga daliri ang mga hibla ng aking buhok.

“Joseph… ba’t mo siya pinatay?”

“Hindi natin maitatago ang bangkay. Ano’ng gagawin natin?” NATIN.

Kinalas niya ang kaniyang mga daliri mula sa pagkakapulot ng mga hibla ng buhok ko. Sinimulan niyang buhatin si Cesar, si Jose, si Montano, si Rizal. Kumakahol pa rin ang mga aso sa labas. Inilagay ko ang kaliwang braso ni Cesar sa balikat ko. Ang kanang braso sa balikat ni Edward.

Dinala namin ang lalaki sa banyo.

* * * * *

Mukha ni Rizal ang nakatatak sa kahon ng posporo ni Prop.

“Tingan mo ‘yung koleksyon ko,” sabi niya sa akin, sabay turo sa dingding. Iba’t ibang anggulo ng mukha ni Rizal. Naka-right sideview. Left sideview. Mayroong naka-tiger look. May nakangiti. May nakasimangot na parang nagkukunwaring masaya. Lahat ng iyon mga disenyo ng mga kahon ng posporo na tinipon ni Prop.

Katabi niyon ang mga litrato ni Prop. kasama ang samu’t saring artistang nagsiganap na Rizal. Si Cesar Montano, para sa akin, ang pinakamakisig.Ako naman raw ang tumungo. Gagawin ko na sana, kaya lang nakatitig sa akin ang napakaraming Rizal. ‘Yung itim na bust sa sentro ng silid. ‘Yung mga kahon ng posporo. ‘Yung mga pabalat ng libro: Rizal Romantiko. Rizal Relihiyoso. Rizal sa Rizal.

Nagalit na si Prop. Ayaw ko kasing tumungo. Pareho naman raw kami ng isinusubo at nilululon, ano pa raw ang ipinag-iinarte ko.

“Prop., una na po ako.”

“See you next sem, Joseph.”

Dumaan ako sa tabi ng bust ni Rizal. Siniko ko ito.

Alam ko. Alam ko. May. Nadurog.

* * * * *

Nagtaka ako kung bakit di nagtaka si Edward na wala na ang poso sa banyo. Pagkalapag nga namin kay Cesar/Jose, kay Montano/Rizal sa may tabi ng balon, sabi niya, “Diyan natin siya itatago. Walang makakahanap.”

Muli naming binuhat si Cesar, paakyat sa bunganga ng balon. Ulo lang ang kasya sa puertang-bunganga ng balon. Napakamot ng ulo si Edward. Tumunganga ako saglit, tapos hinalikan nang madiin sa pisngi si Edward, at pumunta sa kusina.

Bumalik ako sa balon na may dalang itak. “Ito na lang ang tanging paraan.”

Ilang beses kong hiniwa ang hangin gamit ang itak. Bawat hiwa ko sa hangin ay mantsa ng dugo sa dilaw kong kamiseta. Sa itim na polo ni Edward. Sa salawal ko. Sa pantalon ni Edward. Sa mukha namin. Nahilam pa nga ako ng dugo.

* * * * *

Minsan, sa isang apartment sa Dapitan,

* * * * *

isa-isa naming inihulog ang mga pinutol kong bahagi ni Cesar Rizal, Jose Montano. Inihuli ko ang ulo. Nakapikit ito. Mahimbing. Nananaginip marahil. Parang batang ipinaghele ng hangin, katulad ng pagsuklay ng ina sa buhok ng anak gamit ang mga daliri.

* * * * *

may umalis.
may humapong muli.
may nagpasuyod ng daliri sa buhok.



(Oktubre 24, 2004. Iba. Mykel)
kelly.kili at 12:10 AM

Saturday, October 23, 2004

Tatlong Kuwentong Tig-i-Isandaang Salita
ni Mykel Andrada

'Yung "Bwisita," hinalaw ko mula sa isang work-in-progress ko. 'Yung dalawa naman, kagagawa ko lang kanina.

1. PEPSI BLUES
Dumating siya isang oras matapos akong sumandal sa pader ng noo’y sarado nang Goldilocks sa may Aurora, Cubao. Di pa rin ako tumitigil sa pangangatal. Ganun raw talaga pag bagong binyag. Siniguro muna niyang walang ibang tao sa madilim na paligid bago niya binuksan ang handbag: panyo, pulbos, pink na pitaka, plastik na basyo ng Pepsi Blue na may latak pa, Nokia 3310, at tinuping cardboard na pamaypay na may malaking mukha ni Hero Angeles.

“‘To ‘yung nanalo, di ba?” tanong niya. Ibinulsa niya ang cellphone; iniabot sa ‘kin ang pitaka. Nanginginig ko itong binuklat. May litrato ni Mark Herras.

2. UNANG MISTERYO NG HAPIS
Nakapaglatag na ang kaniyang Lola ng asin sa may paanan ng higanteng Birhen ng Guadalupe. Inilabas ng matanda ang rosaryong laging handang magpatipa. Pinaluhod siya sa asin; inutusang humingi ng tawad sa Diyos. Sinaniban na raw siya ng Demonyo dahil sa kalalaro sa kalsada.

Unang Misteryo ng Hapis: Panalangin sa Hetsemane.

Di pa man nakaka-limang butil ng rosaryo, naramdaman na niyang natutunaw ang mga butil ng asin sa mabababaw na sugat-hukay nito sa magkabilang tuhod niya. Tumayo siya’t pinalis ang asin sa tuhod. Dagling tumindig ang matanda, hinaplit ang kaniyang nguso. Napahawak siya sa kaniyang bibig. Maalat pala ang dugo.

3. BWISITA
Naabutan ko noong binubulatlat ng pusa ang tiyan ng nahuli nitong daga. Nanahan ng ilang araw sa bahay ang amoy ng sariwang dugo. Parang bisita. ‘Yung bisitang hindi nag-aabiso. Bigla na lang susulpot. Kakatok. Kahit magtulug-tulugan ka pa, maghihintay ang bisita sa labas. Maaaring nakahilig sa pintuan, nakaupo sa sahig. Maaaring gawing unan ang dala-dalang bag. Mapipilitan kang patuluyin. At kung gaanong malihim ang bisita sa panggagagad, ganun rin siya kung lumisan. Naglalaho nang di nagpapaalam. Walang sulat o pasabi. Kahit tapik sa balikat o dampi ng palad sa noo. O panunuklay kahit ng isang daliri sa malago kong buhok.
kelly.kili at 3:53 PM

Friday, October 15, 2004

Ibinuka Niya ang Kaniyang mga Palad at Bumalong ang Pawis
ni Michael Francis C. Andrada

Muli, isa pang kuwentong di-tapos, para sa proyekto ko kay Mang Jun Cruz Reyes.

Ibinuka niya ang kaniyang mga palad at bumalong ang pawis. Itinapat niya ang kaliwang palad sa ilong ko. Nangasong parang yelo ang kaniyang palad, at ang mga partikulo’y pumailanlang, tinalunton ang dalawang daanang papunta sa aking utak.

Ganun pala yun. Ang utak pala talaga ang nasusuka at hindi ang sikmurang kumakalam. Ayaw ko mang kumbinsihin na lahat ng bagay ay magiging katulad ng dati - ay panaka-naka itong namamahay sa utak ko. Parang bisita. Yung klase ng bisitang hindi nag-aabiso kung kailan darating. Bigla na lang susulpot. Bigla na lang kakatok. At kahit na magtulug-tulugan ka pa, o di kaya’y magpanggap na walang tao sa loob ng bahay sa mga panahong iyon, ang bisitang iyon ay maghihintay sa may pintuan. Maaaring nakaupo sa sahig. Maaaring gawing unan ang dala-dalang malaking bag. Maaaring binubugaw niya ang mga lamok sa pamamagitan ng hithit-bugang paghinga ng nikotina.

Kinausap ko na ang bisita. Simula sa talatang ito’y Bisita na ang tawag natin sa kaniya. Bisita. Pinangangambahan. Pinangingilagan. Pilit iwinawaksi. Pilit itinataboy. Pero manapa’y nakahilig ang ulo sa isang mukha ng pinto. Hinihintay na pagbuksan ko. Alam ko. Alam ko. Alam kong hindi ako makalalabas ng bahay hangga’t nag-aabang si Bisita sa bukana ng aking tahanan. Kung tahanan ko pa nga talaga ito. Itong utak kong palikaw-likaw tulad ng sikmura kong kumakalam; daanang nagsasanga. Daanang nagsasanib. Sa loob. Ng aking. Utak.

Kaya nang ilapit niya ang kaniyang kaliwang palad sa aking ilong ay wala akong nagawa maliban sa pagpigil ng paghinga - na wala rin namang nagawa sa pagpigil sa pagpasok ng aroma ng kaniyang pawisang palad sa aking utak.

Kaya ganito ang mga naisip ko sa isplit-segundong tagpong iyon:
1. Palisin ang kaniyang kaliwang palad. Ngunit paano kung hindi ko kayanin ang lakas at pulso ng kaniyang kaliwang braso? Kung sa pagtatangka kong palisin ang kaniyang kaliwang palad ay lalo lamang itong maduldol sa ilong ko? Paano kung mabali ang ilong ko? Paano kung lumusot ang isa o dalawa o tatlo o apat o lima niyang daliri sa kaliwang palad sa magkapatid na kuweba ng aking ilong?
2.
3.
4.
5.
6.
7.
8.
9.
10.

At kung gaanong malihim si Bisita sa kaniyang panggagagad sa pintuan ng aking tahanan ay ganun rin siya kung lumisan. Naglalaho nang di nagpapaalam. Wala ni sulat. O pasabi man lang. Kahit tapik sa balikat o braso. O kaya’y dampi ng palad sa noo. O kaya’y panunuklay kahit ng isang daliri lamang sa malago kong buhok.

(Mykel. September 17, 2004. 11:09pm. Iba.)
kelly.kili at 10:08 AM

Thursday, October 14, 2004

TOSINONG DAANAN
Work-in-progress ko ito. Sana matapos ko na. Para ito sa proyekto ko kay Mang Jun Cruz Reyes.


Isinusulat ko lang ito sa isip ko. Isang pagpapalikaw ng mga salita sa balumbon ng mga tosinong-daanan sa ilalim ng bumbunan.

Salamisim sa Salamin
Dumarating ang panahong iyon. Sabi niya. Na haharap at haharap ka sa salamin at makikita mo, sa unang pagkakataon, nang buo ang iyong katawan. Ang nanay mo ang magpapakilala sa iyo sa iyong katawan, nang buo, at sa unang pagkakataon, magkakaroon ka ng konsepto ng pagiging buo.

Una mong namasdan ang sarili bilang mga putol na parte ng iyong katawan. Ang pagkakabatid mo’y ganito: isang braso pala ako. Ay hindi! Isang kamay lang pala! Mas lalong hindi! Isang binti lang. Pero bakit may dalawang paa ako? Bakit may dalawang tuhod? May isa pa pala akong kamay, na nakakabit sa isang braso. Di ko alam kung ano ang mas mahaba: ang kanan o ang kaliwa. Ni wala pa nga akong konsepto ng haba, igsi, liit at laki.

Sa lahat ng unang dapat kong makita ay ang mga mata ko ang pinakahuling namataan ko. Iyon siguro ang pinakaparikala ng buhay ng isang sanggol. Ang hindi magisnan ng sariling mata AY ang sariling mga mata.

(Karna)ba(l)ismo
Di talaga ang sarili ang nakikita sa salamin kundi ang repleksiyon lamang.

Salamin sa Mirror House sa Karnabal.

Sa Ilalim ng Balat...
...Maraming maaaring ibenta: baga, puso, atay, bato, pantog.

De-ortopedikasyon: Ang Abs ni Marc Nelson
Sa Quezon Avenue, may higanteng billboard ad si Marc Nelson. Isang di-kilalang undergarment na produkto. Walang ulo si Marc Nelson. Pero alam kong siya iyon, katawan niya iyon, abs niya iyon.

(Mykel. September 7, 2004. 10:55pm. Iba.)
kelly.kili at 11:50 AM

email: manlabusaw@yahoo.com

maystar designsmaystar designsmaystar designs
Get awesome blog templates like this one from BlogSkins.com